Tumigil
ang tugtugan at natapos ang misa ni Pare Agaton.
Humugong
ang simbahan sa bulong-bulungan at sagad-saran ng mga chinelas ng
nangagsisilabas. Sagilsilan at pawisan sa init at antok, ang iba'y
kukurap-kurap, ang iba'y naghihikab at ga kumukurus pa, ay nagtutulakan sa
pagdukuang ng benditang nakalagay sa dalawang mangkok na pingas, malapit sa pintuan.
Sa pagdadagildilan ay may batang umaatungal, matandang nagmumurá at nagbubulâ
ang labi, may dalagang naninikó, kunot ang noo't pairap sa kalapit na binata,
na tila bagá mauubusan ng tubig na maruming tila na putikang tirahan ng
kiti-kiti. Gayon ang pag-aagawang maisawsaw ang daliri, málahid man lamang
maikurus sa noo, batok, puson at iba't iba pang sangkap ng katawan. Taás ng mga
lalaki ang hawak na salakot o sambalilo kaya, sa takot na madurog; pigil na
magaling ng mga babai ang panyo sa ulo at baka mahulog; may nakukusamot na
damit, may napupunit na manipis na kayo, may nahuhulugan ng chinelas at
nagpupumilit magbalik at nang makuha, nguni't nadadalá ng karamihang tulak ng
mga punong bayang lumalabas na taás ang yantok, tanda ng kanilang kapangyarihan.
Ano pa't sa isang hindi nakababatid ng ugali sa katagalugan, ang dagildilang
ito't pag-aagawan sa tubig ay makakatakut at maiisip na nasusunog ang simbahan,
kundangan lamang at may ilang nagpatirang babaeng may loob sa Diyos, na hindi
lumalabas kundi nagdarasal ng pasigaw at naghihiyawan na tila baga ibig
sabihin:
—Ay,
tingnan ninyo at kami'y mga banal. Hindi pa kami busog sa haba ng misa.
Tila
baga kung tatanungin ang karamihan kung bakit sila pangagaw sa tubig na yaon at
anó ang kagalingan ay marami na manding makasagot ang limá sa isang daan. Ang
siyámnapu at lima'y dumadawdaw sapagka't ugali. Salvaje ang lumabas na hindi
nagkurus muna: mag-alkabalero ka na ay huwag ka lamang magkulang sa kaugalian.
Ngunit't
kung sasalugsugin ang loob ng lahat ng araw ng linggong yaong, linggo de
Pasión, at itatanong sa marami kung anó kaya bagá ang ipinagdudumali, kung ang
takot na mainís at makuluom sa loob, o ang masarap kayang simoy ng hanging
humihihip sa labas at gumagalaw sa madlang halaman at bulaklak saa patio, ay
marahil ay may iba pang masasabi. Sa matá ng lahat sa mga tinginan at kindatan
pa sa loob ay mababasa ang isang hindi mailihim na pag-uusisa:
—
¿Napaano kaya ang dating cura? — ang tanong na hindi napigil ng isang matandang
manang na ungab at hupyak ang pisngi, sa isang katabing kapuwa manang.
At
nang matakpan ang kanyang pag-uusisa sa loob pa ng simbahan, ang matandang
manang ay ga kumurus-kurus na at nagsusmaryosep!
—
Hindi man kamí sinubuan ng pakinabang. . . Napaano po kaya?
—
Napaano nga po kaya? Nagmisa nga po nang padabog, a! —ang sagot naman ng
tinanong na isang manang na mataba na kumurus-kurus din naman, bumiling pa,
humarap pa sa altar at ga yumukod pa ng kaunti. — Kulang na po lamang
ipaghagisan ang mga kandila, a! Susmariosep!
—
Siguro po'y gutom na! — ang sabat naman ng isang napalapit na babaing mahusay
ang bihis. — Tingnan nga po ninyo't hindi man lamang binendicionan ang anak ng
aking alila. . . aba! Ganoon pong naibayad na sa kandila at sa bendición, aba!
Di sa linggo pong darating ay iuutang na naman sa akin ng ibabayad! Ikako'y
hari na ngang maalsan ng empacto. Aba! Empactado po! Marami na pong nababasag!
Ako nga'y madali; ayoko nga po ng hindi binebendicionang lahat!
Ganito
ang salitaan hanggang makalabas sila sa pintuan. Doon naman nagkakatipon ang
mga lalaki sa pag-aabang ng mga dalagang nagsisilabas. Doon ang
pulong-pulungan, doon nagmamasid at napamamasid, ang aglahian, tuksuhan at
salitaan bagay sa mga nangyayari. Datapua't nang araw na iyon, ang hantungan ng
salita'y hindi ang magagandang dalaga, hindi ang panahon at ang init kundi ang
pagmamadali ng cura habang nagmimisa. Bahagya nang nápuna ang paglabás ni
Marcela, dalagang pangulo sa bayan, anak ng Capitang Lucas, na nagbabaras ng
mga araw na yaon. Ang Marcelang ito'y bagong kagagaling sa Maynila, sapagka't
namatay ang aling nagpalaki, kapatid ng kanyang amá. Kaya nga't luksa ang
kanyang damit sapol sa panyong talukbong sa ulo hanggang sa medias na balot
nang maliit na paang nakikita sa mabini niyang paghakbang. Sa tuwid ng katawan,
sa taas ng ulo at sa kilos at lakad ay napaghahalata ang bukod na kapintasan,
ang malaki niyang kapalaluan.
Bagama't
marami ang nalibang sa sandaling sumunod sa kanya ng tingin, bagama't natigil
na sumandali ang salitaan, nguni't hindi rin makalimutan ang tanungan bagay sa
cura.
—Napaano
kaya si Agaton natin?— ang tanungan ng lahat. Si Agaton natin ang tawag na
palayaw sa balitang pari.
—Hindi
man maantay matapos ang cantores a!
—Kung
ipagtulakan ang misal . . .
—Padagis
na ang dominus pabiscum . . .
—Totoong
lintik na naman ang ating si Aton; totoong ginagawa na ang asal!
—Ilang
pang araw ay tayo'y tutuwaran na lamang . . .
—Baka
kaya nagpupurga!
Hindi
ko na sasalaysayin ang lahat ng mga kuro-kuro ng mga lalaki at mga aglahíang
may kagaspangang labis. Anó nga kaya ang nangyari sa mabunying pare, sa
mabining kikilos at iikit na tila aral sa salamin, sa magaling magpadipadipa at
magkiling ng ulo kung nagmimisa? Ano't hinaros-haros ang misa at umungol-ungol
lamang gayong kung tura'y datihang magaling aawit at magpapakatal ng voces kung
nag ooremus? Winalang bahala ang lahat: misa, cantores, pakinabang, oremus at
iba pang palabas at nagdumaling tila di inuupahan. Nagsisimba pa naman ang
bunying si Marcela, ang dalagang sapol ng dumating ay dinadalaw gabigabi ng
Cura. Napaanó nga kaya si P. Agaton at di sinubuan ang tanang gutom sa laman ng
Dios, gayong kung tura'y totoo siang masiyasat sa pakumpisal at pakinabang?
Samantalang
ito ang usapan ng nagagtayô sa pintuan, ang mga kaginoohan nama'y nagtitipon
dahil sa pag-akyat sa convento at paghalik sa kamay ng cura alinsunod sa
kaugalian. Kung gulo ang isip ng taong bayan sa balang kilos ng cura at waláng
pinagtatalunan kundi ang kadahilanan, guló din naman ang loob ng mga maginoo,
at napapagkilalang tunay sapagka't bahagya nang mangakakibo, lalong lalo na ang
Capitan, ang bunying si Cpn. Lucas na totoong natitigilan. Kaiba mandin sa
lahat ang umagang yaon. Ang masalita at matapang na Cpn. Lucas ay hindi
makaimik.
Titikhim-tikhim,
patingin-tingin, at tila mandin di makapangahas lumakad at magpaunang para ng
dati. Ang sapantaha ng nakapupuna ay takot siya ngayon at baka may ginawang
kasalanan. Balita nga sa tapang at balitang lalaki si Cpn. Lucas lalonglalo na
kung ang kausap ay nasasaklawan at daig, nguni't kapag ang kaharap ay pare,
kastila o alin mang may katunkulan, ay bali na ang matigas na leeg, tungo ang
malisik na tingin at bulong-bulong lamang ang masigawing voces.
Hindi
nga makapangahas si Cpn. Lucas umakyat sa convento at baka mabulalas ni P.
Agaton. Tunay nga't magaling ang kaniyang panunuyo, walang kilos, walang ngiti,
walang tingin ang pare na hindi niya nalilining dalá nang pagkaibig maglingkod
at ng makapagkapitang muli. Habang nagmimisa'y inusig ni Cpn. Lucas ang sariling
isip; sagana siya sa pamisa, magagaling ang libing, halik siang palagi sa kamay
ng among, kahapon lamang ay kinatuwaan pa siyang kinutusan ng pare at hinaplos
sa batok dahil sa kaniyang alay na dalawang capong samsam sa isang tagabukid.
Sumaloob
sa kaniya na baka kaya nakararating sa tainga ng pare ang balitang siya'y
nakabasa ng librong bawal, diario at iba't iba pang may pangahas na isipan, at
pinasukan ng takot. Nguni't ¿bakit doon magpapahalata ng galit sa misa? Baka
kaya nakapagsumbong ang kanyang datihang katalo, ang mayamang si Cpn. Tibong
kapangagaw niya sa pagbabaras? Walang iba kundi ito, kaya nga ng kaniyang
suliapan ay masaya ang mukha ni Cpn. Tibo at tila uumis-umis pa. Pinangilangan
nga, humiging sa kanyang tainga ang bulas na mabagsik, ang sigaw at mura.
Nakinikinitá niyang Kapitan na si Cpn. Tibo at siya'y wala nang katungkulan;
pinagpawisan ng malamig at tumingin ng mahinuhod sa upuan ng kaniyang kaaway.
Malungkot
ngang lubha ng matapos ang misa at lumabas siyang parang nananaginip. Nanulak
sa pagsasagilsilan, sumawsaw ng bendita at nagkurus ng wala sa loob,
palibhasa'y malayo ang kaniang isipan. Nakaragdag pa ng kaniang takot ang mga
usapan ng tao at ang mga kuro-kuro at akala sa ikinagagalit ng cura.
Para
ng isang nadadalá ng baha na walang makapitan si Cpn. Lucas ay lumingap-lingap
at humahanap ng abuloy. Kintal sa mukha ng lahat ang may libak na tawâ, ang
ngising masakit sapagka't poot sa kaniya ang lahat niyang sakop at sawang-sawa
na sa kaniya ang bayan. Samukha lamang ng isang tagasulat tila niya nasiglawan
ang awa, sa mukha ni Isagani, nguni't awang walang kibo, awang walang
kabuluhan, paris ng awang nakaguhit sa mukha ng isang larawan.
Upang
mailihim ang pangamba at takot, ay nagtapang-tapangan at naggalitgalitan.
Nagmasid sa paligid at naalala ang utos ng cura tungkol sa susunod na linggo de
Ramos. Pinagwikaan nga ang mga cabisa at inusig sa kanilá ang kawayan at
haliging gamit sa Máligay. Tinamaan silang lahat ng lintik at ang ibig nila'y
makagalitan ng cura. Palibhasa'y hindi sila ang mananagot. Ano ang ginagawa ng
mga kinulugan at hindi nagpahakot ng kawayan? Itatali ba nila sa langit ang
tolda? Ipahahampas niya silang lahat ng tig-iisang caban kapag siya'y
nakagalitan ng cura sa kagagawan nila. . .
Iba't
iba pa ang sinabi at sa paggagalit-galita'y nang matapos ay tunay na ngang
galit. Ang sagot ng mga kabisa'y may panahon pang labis, sapagka't kung
ipaputol agad ang kawayan at haligi'y matatalaksan lamang, siyang ikagagalit ng
among at baka sila'y hagarin ng palo, paris na nga ng Candelariang nagdaan.
Sa
ngalan ng cura, hindi na nakaimik si Cpn. Lucas, lalong lalo na nang mabanggit
ang paghahangad ng palo. Nakinikinita niya na baka naman siya hagarin, at tila
mandin naramdaman rin niya sa likod ang kalabog ng garroteng pamalo. Nanglambot
at nag-akalang umuwi't magdahilang maysakit, nguni't sumilid sa loob niyang
baka lalong magalit ang pari dahil sa di niya paghalik sa kamay. Maurong
masulong ang kaniyang kalooban, kunot ang noo, ang dalawang daling noong kaloob
sa kaniya ng Diyos! nagtatalo ang loob niya sa dalawang takot, sa bulas ng cura
na kaharap ang lahat, at sa galit ng curang hindi siya papagkapitaning muli.
Siya
ngang pagdating ng isang alila ng pareng nagdudumali.
—Dali
na po kayo— ang sabi sa Capitan—at kayo po ay inaantay. Totoo pong mainit ang
ulo ngayon!
—Ha,
inaantay ba kami—ang sagot na baliw ni Cpn. Lucas, na matulig-tulig—Oy! Dali na
kayo— ang sabi sa mga kabisa—narinig na ninyo: tayo raw ang inaantay. . .
—Aba,
kayo po ang inaantayan namin, ang sagot ng mga kabisa—kanina pa po kaming. . .
—Kayo
ang hindi kukulangin ng sagot. . .
Dali-daling
lumakad sila, tahak ang patio tungo sa convento. Ang kaugalian ng dati'y
pagkamisa, ang mga kaginoohan ay umaakyat sa conventong ang daan ay sa
sacristia. Nguni't binago ni P. Agaton ang ugaling ito. Sa kaibigán niyang
matanghalan ng lahat ang paggalang sa kaniya ng bayan, ipinagutos na lalabas
muna ng simbahan at doon magdaraan sa patio, hanay na mahinusay ang mga
kaginoohan.
Lumakad
na nga ang mga puno, nangunguna ang Kapitan, sa kaliwa ang teniente mayor,
Tenienteng Tato, sa kanan ang Juez de Paz na si Don Segundo. Magalang na
nagsisitabi ang mga taong-bayan, pugay ang takip sa ulo ng mga tagabukid na
napapatingin, puno ng takot at kababaan sa gayong mga karangalan. Tinunton nila
ang malinis ng lansangang tuloy sa pintuan ng convento. Tanim sa magkabilang
tabi ang sari-saring halamang pangaliw sa mata at pagamoy ng balang nagdaraan.
Ang mapupulang bulaklak ng gumamelang pinatitinkad ng madilim na murang dahon,
salitan ng maliliit na sampagang naggapang sa lupa, nagkikislapan sa masayang
sikat ng araw. Katabi ng walang kilos na kalachucheng hubad sa dahon at
masagana sa bulaklak ay wawagawagayway ang adelfang taglay ang masamyong amoy;
ang dilaw na haluan ng S. Francisco, at ang dahon mapula ng depascua'y kalugud
lugod kung malasin sa. . .
Nguni't
ang lahat ng ito'y hindi napupuna ng mga maginoo, sa pagtingin nila sa bintana
ng conventong paparoonan. Bukas na lahat ang mga dungawan, at tanaw sa daan ang
loob na maaliwalas. Sapagka't sa kaibigán ni P. Agatong ipatanghal ang
pagpapahalik niya ng kamay ay pinabubuksan kung araw ng linggo ang lahat ng
bintanang lapat na palagi kung alangang araw. Kaya nga't malimit pang lumapit
siya sa bintana at doon umupo habang nagpapahalik, samantalang kunwari'y
nagmamasidmasid sa mga dalagang lumalabas sa simbahan.
Natanawan
nila sa malayo ang mahagway na tindig ng pare na palakadlakad ng matulin,
talikod kamay at tila baga may malaking ikinagagalit. Pabalikbalik sa loob ng
salas at minsanminsang tumitingin sa daan, at nasisiglawan ang kintab ng taglay
na salamin. Nang makita mandin ang pagdating ng mga maginoo'y tila natigilan,
napahinto sa pagpapasiyal at lumapit at dumangaw. Ga tumango ng tangong inip,
at saka itinuon ang dalawang kamay sa babahan. Nagpugay agad si Cpn. Lucas.
Nagmadali ngang tinulinan ang lakad. Sumikdosikdo ang loob at dumalangin sa
lahat ng santong pintakasi at nangako pang magpapamisa, huag lamang siyang
makagalitan.
Nang
makaakyat sa hagdanan ay sinalubong sila ng isang alilang nagsabi ng marahan.
—Kayo
po raw ay magsiuwi na, ang wika ng among.
—At
bakit?—ang tanong sa mangha ni Cpn. Lucas.
—Galit
pong galit. . . Kanina pa po kayo inaantay. Sabihin ko raw sa inyong siya'y
hindi bihasang mag-antay sa kanino man.
Namutla
si Cpn. Lucas at kaunti nang himatayin ng ito'y marinig. Nautal at hindi
nakasagot kapagkaraka, nagpahid ng noo, at sumalig sa bunsuran.
—Galit
ba. . . ano ba ang ikinagagalit?
—Ewan
po!— ang bulong ng alila.—wala pong makalapit. Inihagis po sa cocinero ang tasa
ng choolate.
Nagpahid
na muli ng noo si Cpn. Lucas, at hindi nakaimik.
—Si
aleng Anday. . . narian ba? —ang naitanong na marahan.
—Narito
po, nguni't nakagalitan pati— ang sagot ng alila.
At
idinugtong na marahangmarahan:
—Sinampal
po!
Napanganga
si Cpn. Lucas at nawalan ng ulirat. Sinampal si aleng Anday! Pinutukan man siya
sa tabi ng lintik ay hindi man totoong nagulat paris ng marinig ang gayong
balita. Sinampal si aleng Anday, gayong si aleng Anday lamang ang sinusukuan ng
cura.
May
tumikhim sa loob.
—Kayo'y
umuwi na at baka kayo marinig ng pare ay kayo'y hagarin!—ang idinugtong ng
alila.
Hindi
na ipinaulit ni Cpn. Lucas ang hatol ng alila; nanaog na dalidaling kasunod ang
lahat na maginoo sa takot na baka siya labasin ni P. Agaton na dala ang
garrote.
Nang
makalabas na ay nagisipisip upanding pagsaulan ng loob. Nagpahid uli ng mukha
at nang may masabi sa kanyang mga kasama'y nagwika:
—Napaano
kaya si P. Agaton?
—Napaano
kaya?—ang sagot ng tenyente mayor.
—Siya
nga, napaano kaya!—ang tanong ng Juez de Paz.
At
nagtuloy silang lahat sa Tribunal.
Tunay
nga't hindi biro-biro lamang ang galit ni P. Agaton.
Nang
makamisa at matapus magalbot ang lahat na isinoot, nakyat sa conventong
dalidali, umupo at mag-aalmosal, at nang mapaso ng chocolate ay inihagis sa
cocinero ang tasa.
Si
aleng Anday, na bagong kagagaling sa misa, at soot ang naipagbiling candila, at
kaya nga binigyan pa nang kaunti nang nagkahuloghulog. Kaya nga't dalidaling
nanaog at umuwi sa bahay. Walang makaalam sa buong convento ng dahilang sukat
ikagalit ng cura. Malamig pa ang ulo niaong bago magmisa, umumis pa sa sabing
marami ang naipagbiling kandila, at kaya nga binigyan pa ng isang salapi ang
sacristan mayor. Ano ang namalas habang nagmimisa na hindi niya minagaling?
Puno ang simbahan ng tao; ang lalong magagandang dalaga'y nangagluhod na
malapit sa altar at si Marcela'y baga't malayo man ay tanaw ding tanaw sa
malayo, katabi ni aleng Anday sa luhuran. Ang sakristyan mayor ay walang sukat
masabi.
Hindi
man ugali ni P. Agaton ang daanan ng sumpong na para ng ibang pare. Karaniwa'y
mahusay, masaya at matuwain, lalo na kung marami ang pamisa, magagaling ang
libing at nasusunod ang lahat niyang utos. May sampong taon nang cura sa bayan
ng Tulig; dumating na bata pa, dalawampu't walo lamang ang tanda, at sa
panahong ito'y nakasundo niyang totoo ang bayan.
Tunay
at mainit nang kaunti ang ulo, magaling mamalo kapag nagagalit at may ilang
mahirap na ipinatapon sa malayo at ipinabilanggo nang taunan; nguni't ang lahat
nang ito'y maliliit na bahid kung matatabi sa mabubuti niyang kaugalian. Siya
ang takbuhan ng tao sa bayan sa anumang kailangan sa cabecera; siya ang
sinusuyo ng sinumang ibig magbaras o may usapin kayang ibig na ipanalo. Siya
ang puno, siya ang tanggulan, siya halos ang kalasag nang bayan sa anomang
marahas na pita ng ibang pinuno. Tunay nga't may kalikutan ng kaunti sa babae,
lalong lalo na yaong kabataang bagong kadarating, nguni't wala naman sukat na
masabi sa kaniya ang bayan; naipakasal na mahinusay, pinabahayan at binigyan ng
puhunan ang lahat niyang ginalaw, alin na kaya sa ibang binata na nakasira't
hindi nakabuo, at saka ang isa pa'y tumahimik nang lubos sapul ng makakilala si
aleng Anday, ngayon na nga lamang na umuwi ang Marcela na galing sa Maynila,
ngayon na nga lamang tila nagugulong panibago, malimit ang pagdalaw sa bahay,
ugali't maganda ang dalaga, kaibigan ang ama at wala pa namang sukat na
masabing higit sa karaniwan. Tunay nga dumadaing ang ibang mahirap at
tumatangis sa kamahalan ng libing, binyag at iba pang upa sa simbahan datapua't
talastas ng marami na kailan ma'y madadaingin ang mahirap at sa katunayan nga'y
ang mayayama'y busog sa kanilang cura at tila pa mandin nagpapalaluan ng
pagbayad ng mahal sa kanilang pare.
Mutya
nga halos ng bayan ang bunying cura kaya nga't walang alaala ang tanan kundi
pagaralan ang lahat niyang nasa at pangunahang tuparin ang lahat niyang utos.
Agawan ang lahat ng paglilingkod sa kanya, palaluan ng alay at sa katunayan ay
saganang palagi ang cusina't despensa sa convento; sa cura ang maputi at bagong
bigas, sa cura ang matatabang manok, ang malalamang baka, ang baboy at usang
nahuli sa bating, ang ibong nabaril, ang malaking isdang nahuli sa dagatan, ang
matabang ulang at ang mga masasarap at mabubuting bunga ng kahoy. Bukod pa sa mga
handog na ito ng mayayaman, na ikinabubuhay ng pare na walang gasta at ng
kaniyang mga alila ay sunodsunod pang dumarating ang mga panyong habi, ang mga
talaksang kahoy ng tagabukid na walang sukat maialay, ang lahat na panunuyo
nang nagkakailangan, sa napabilanggong ama, sa hinuling kapatid, sa sinamsam na
hayop ng Guardia Civil, sa ipalalakad na kamaganak sa Cabecera na hindi
maalaman ang dahil. Sa lahat nang ito'y isang sulat lamang, isang pasabi o
isang salita kaya ng cura'y nakaliligtas ang napiit, nakauwi ang hinuli,
nasasauli ang hayop at napapanatag ang natitigatig na bahay.
Wala
namang sukat masabi ang tao sa kay aleng Anday, subali'y puri pa at galang ang
kinakamtan niya. Sapagka't sa totoong mahihigpit na bagay, sa mga nakawan o
harangan kaya, si aleng Anday ang takbuhan ng mga mahihirap at sa pamamagitan
niyang mabisa'y walang napapahamak, walang natitimba, walang naduduruhagi. Kaya
nga't kung ang tingin sa cura'y parang isang Dios na ahit ang ulo, ang tingin
kay aleng Anday ay parang isang may puso na Virhen, maawain at mura-mura pa sa
ibang Virheng kahoy na sinasampalatayahan.
Di
sukat nga pagtakhan kung magulo ang Tulig sa naramdamang galit ng cura. Kung
biglang magitim ang masanting na araw, matuyo kaya ang masaganang batis at
maglaginitan ang mga kabundukan, sino ang di mababalisa at papasukan ng takot?
Si P. Agaton ay sa mga taga Tulig ay mistulang araw na masilang, matamis na
batis, masamyong amihan, masaganang kabundukan at bukod sa rito'y ama pa ng
kaluluwa.
Hindi
man lamang sumagimsim sa loob ng sinumang baka si P. Agaton ay nauulul-ul.
Masisira muna ang ulo ng lahat bago ang isipan ni P. Agaton; susumpungin ang
lahat. Kaya nga't sa tribunal, makatapos ang misa'y walang ibang pinagusapan at
pinagpulungan ang mga kaginoohan kundi ang dahilang ikinagalit ng cura.
Magtatalo man at maghimutukan ay wala silang sukat na matuklasang dahilan,
walang sukat masabi kundi ang ating kura ay galit. Sapagka't nabalitaang
nasampal si aleng Anday ay wala mandin silang. . .
BUOD:
Ang
Makamisa ay isang nobelang tinangkang isulat at tapusin sa wikang Tagalog ni
Dr. Jose Rizal. Ang kuwento ay umiinog sa bayan ng Tulig, at nagsimula sa isang
eksena ng misa na ibinigay ni Pare Agaton sa mga mamamayang sakop niya.
Kabilang sa mga tauhan ng nobela sina Capitan Lucas, Marcela, Capitan Tibo, Don
Segundo, Teniente Tato, at Aleng Anday. Taliwas sa Noli Me Tangere at El
Filibusterismo, ang Makamisa ay isinulat sa higit na nakakaaliw na paraan.
No comments:
Post a Comment